-- Advertisements --

Pinarangalan si Fr. Flavie Villanueva, isang paring Pilipino na kilala sa pagtulong sa mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng ”war on drugs,” bilang isa sa mga 2025 Ramon Magsaysay Awardees, ayon sa anunsyo ng Ramon Magsaysay Foundation nitong Agosto 31.

Si Villanueva, na naharap sa kasong sedition noong 2019, ay kinilala bilang human rights defender.

Noong 2021, tumanggap siya ng Human Rights Tulip Award mula sa pamahalaan ng Netherlands—ang unang Pilipinong tumanggap ng nasabing karangalan.

Kasama niyang pinarangalan sina Shaahina Ali ng Maldives, isang marine conservationist laban sa plastic pollution, at ang nonprofit group mula India na “Educate Girls,” na nagsusulong ng edukasyon para sa mga batang babae sa mga liblib na lugar.

Itinuturing ang Ramon Magsaysay Award bilang “Asia’s premier prize and highest honor” at unang iginawad noong 1958. Gaganapin ang pormal na seremonya ng parangal sa Nobyembre 7, 2025, sa Metropolitan Theater, Manila.