Inihimlay na ang lima pang urn ng umano’y mga biktima ng extra-judicial killings sa Dambana ng Paghilom sa La Loma Catholic Cemetery sa Caloocan City ngayong araw ng Biyernes, Pebrero 20.
Ito ay ilang araw bago ang nakatakdang confirmation of charges ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands sa araw ng Lunes, Pebrero 23.
Ayon kay Fr. Fravie Villanueva, ang funeral rites ay bahagi ng “healing journey” ng mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay, para maalala ang kanilang mga pangalan, na nawalan ng buhay sa kasagsagan ng war on drugs.
Patuloy din aniya ang pag-uusig sa kanilang mga naulilang pamilya kung saan binabalikan at hinuhuli ang ilan sa kanilang mahal sa buhay.
Ang Program Paghilom ang siyang tumutulong sa mga naulila ng mga biktima ng EJK para sa inurnment at paglibing sa mga labi ng kanilang mahal sa buhay.
















