Natupok ang isang residential area sa Natividad St., Barangay 81, Caloocan City bandang alas-5 ng hapon noong Miyerkules, Mayo 14.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), agad itinaas sa second alarm ang sunog, at halos 20 fire trucks ang rumesponde.
Tinupok ng apoy ang humigit-kumulang 50 malalaking bahay na hinati-hati sa 200-300 sub-units, kung saan nakatira ang nasa 70 pamilya, ayon kay Fire Senior Inspector Elyzer Leal at Barangay Chairman Lenerma Coronel.
Pasado alas-6 ng gabi idineklarang “under control” ang sunog. Inaalam pa ang sanhi, ngunit posible umanong illegal electrical connection ang dahilan.
Apat ang naiulat na nasugatan, kabilang ang isang fire volunteer na nakuryente. Dalawa naman ang nawawala, kabilang ang isang 16-anyos na babae.
Sa ngayon, inililikas ang mga residente sa isang simbahan at tatlong covered courts na pansamantalang evacuation centers. Patuloy ang mopping up at rescue operations ng BFP.