-- Advertisements --

Naniniwala si Senator Risa Hontiveros na dapat i-demand ang pananagutan mula sa mga opisyal na nagtangkang pagtakpan ang kaso ng drug war victim na si Kian delos Santos.

Ito ay matapos na pagtibayin ng Korte Suprema ang conviction sa tatlong pulis na sangkot sa pagpatay kay delos Santos.

Sa isang statement, sinabi ng Senadora na ngayong nagpasya na ang korte na isang “senseless act of murder” ang pagpatay kay Kian, dapat na idemand ang pananagutan sa mga opisyal na nagtangkang pagtakpan ang insidente at gumawa ng kasinungalingan kay Kian at sa kaniyang pamilya para i-justify ang kaniyang kamatayan.

Aniya, ang pagtanggi ng SC sa apela ng mga pulis na sangkot at pagpapatibay ng kanilang conviction sa kasong murder at patunay na pinatay si Kian nang walang kalaban-laban.

Saad pa ng Senadora na mas marami pang indibidwal ang dapat panagutin para sa mga pagpatay at pangaabuso na konektado sa tokhang.

Ipinunto ni Sen. Hontiveros na nagpapatunay ang desisyon ng Korte Suprema na ang mga pagpatay sa kasagsagan ng pagkasawi ni delos Santos ay sistematiko at gayundin ang mga nag-utos sa kanila ay dapat na mapanagot dahil hindi ganap na maisisilbi ang hustisiya.

Aniya, libu-libo ang dumanas ng kaparehong sinapit ng pamilya ni Kian, kayat umaasa ang Senadora na darating din ang araw na makakamit nilang lahat ang hustisiya at kapayapaan na kanilang inaasam.

Samantala, itinuturing naman ng Senadora na isang inspiring development para sa mga nagsusulong ng karapatang pantao ang desisyon ng korte, gayundin sa civic groups at mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings.

Matatandaan, taong 2017 nang mapatay ng mga pulis ang Grade 11 student na si Kian sa kasagsagan ng tokhang matapos umanong manlaban at magpaputok nang dakpin siya.

Subalit Nobiyembre 2018, idineklarang guilty sa kasong murder ang tatlong pulis na sangkot sa pagpatay kay delos Santos.