Pinagtibay ng House Committee on Justice ang “sufficiency in form” ng mga impeachment complaint na inihain nina De Jesus at ng grupong pinamumunuan ni Liza Maza at iba pa.
Ito ang inihayag ni Rep. Gerville Luistro, house committee on justice chairman.
Sinabi ni Luistro na ang desisyon ay ibinatay sa pagkakaroon ng kumpleto at awtentikong mga rekord na kalakip ng mga reklamo.
Bukas, tatalakayin ng komite sa susunod na pagdinig ang sufficiency in substance ng mga reklamo.
Inihayag ni Luistro, sa sufficiency in substance susuriin kung ang mga paratang na nakasaad sa impeachment complaint ay bumubuo ng impeachable offense at kung ang mga nailahad na pangyayari ay sapat upang magsilbing batayan ng hurisdiksyon ng House Committee on Justice.
Paliwanag ni Luistro, hindi sapat na may binabanggit na mga pagkakamali,kailangang matukoy ito at maituturing na impeachable offense at sapat upang maging ground of impeachment.
Matapos ang talakayan, muling boboto ang mga miyembro ng komite upang pasyahan kung ang mga reklamong De Jesus at Maza et al. ay pumapasa sa parehong pamantayan ng anyo at nilalaman.
Binigyang-diin din ni Luistro na ang kasalukuyang yugto ay bahagi lamang ng mga paunang hakbang ng impeachment process. Sa ngayon, limitado ang pagsusuri ng komite sa mga nakasulat sa reklamo at hindi pa tumatanggap ng ebidensiya.
Ayon pa sa kanya, ang pagdinig sa ebidensiya ay magaganap lamang kapag pumasa na ang mga reklamo sa sufficiency in form at sufficiency in substance.
















