Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros na handa siyang tumakbo sa pagkapangulo sa halalan sa 2028, ngunit gagawin lamang niya ito kung siya ang mapipili ng nagkakaisang oposisyon bilang standard bearer.
Sa forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ni Hontiveros na ang desisyon ay nakasalalay pa rin sa mga partido at sektor ng oposisyon.
Aniya, mahalaga ang pagkakaisa upang magkaroon ng tsansang manalo.
Sinabi rin ni Hontiveros na nagsisimula na silang makipag-usap sa iba’t ibang grupo, ngunit iginiit na dapat may malinaw na magkakatulad na mga pinahahalagahan at hindi basta politikal na alyansa lamang.
Tungkol naman sa posibilidad na makasama ang kampo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng inaasahang pagtakbo ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Hontiveros na mangangailangan ito ng masusing pag-uusap dahil sa pagkakaiba ng paniniwala.
Sa ngayon, aniya, mas nakatuon muna siya sa mga gawain sa Senado habang marami pang maaaring mangyari sa susunod na dalawang taon.
















