Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Rep. Leila M. de Lima para sa agarang pagpasa ng isang panukalang batas na magpaparusa sa extrajudicial killings (EJK).
Ito ay kasabay ng paggunita ng ikawalong anibersaryo ng pagpaslang kay Kian delos Santos, isa sa mga biktima ng umano’y EJK.
Aniya, ang pagpatay kay Kian ay nagsilbing babala sa mamamayang Pilipino na ang karahasan, kabiguan, at kasamaan ng kampanya kontra iligal na droga sa ilalim ng administrasyong Duterte ay tunay at sistematiko. Kayat umaasa aniya sila na ang utak ng malawakang pagpaslang ay mapanagot kasama ang lahat ng kasabwat.
Kaugnay nito, iginiit ni De Lima ang kahalagahan ng House Bill. No 1432, na kanyang inihain noong Hulyo 2025. Layunin ng panukalang batas na ito na malinaw na tukuyin at parusahan ang EJK at iba pang kaugnay na gawain.
Kapag naisabatas, magtatatag ito ng isang Inter-Agency Council Against Extrajudicial Killings na mangangasiwa sa imbestigasyon at pananagutin hindi lamang ang mga sangkot mula sa estado kundi pati na rin ang mga pribadong indibidwal.
Iminumungkahi rin ng panukala ang parusang habambuhay na pagkakabilanggo nang walang posibilidad ng parole para sa mga mapapatunayang lumabag.
Nanawagan din ang mambabatas ng pagtatatag ng EJK Victims’ Compensation Fund upang matulungan ang mga naiwang pamilya ng mga pinaslang noong nakaraang administrasyon.
Samantala, noong Hulyo rin ng taong ito, naghain ang House Quad Committee ng panukalang batas na kikilalanin ang EJK bilang isang heinous crime, na may katumbas na parusang habambuhay na pagkakabilanggo at kompensasyon para sa mga biktima.