Hindi isinasantabi ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila De Lima ang posibilidad na nais ng kampo ni VP Sara Duterte na magsilbing babala sa mga mambabatas ng Kamara De Representantes ang kaniyang maagang deklarasyon para tumakbong pangulo sa 2028.
Ayon kay De Lima, maaaring nais sabihin ng pangalawang pangulo sa mga mambabatas na ‘maghinay-hinay’ sa kanilang desisyon ukol sa impeachment complaint na nakahain laban sa kaniya dahil sa posibleng siya ang susunod na presidente.
Hindi rin aniya maiiwasan ang posibilidad na iisipin ng mga mambabatas na baka pahirapan sila kung tuluyan ngang naging pangulo ng bansa si VP Sara.
Gayunpaman, naniniwala si Rep. De Lima na maninindigan pa rin ang mas nakararaming mambabatas, lalo na kung tatalakayin na ang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Katwiran pa ng mambabatas, hindi basta-bastang maiimpluwensiyahan ang mga miyembro ng Kamara, dahil lamang sa deklarasyon ng pangalawang pangulo.
Aniya, pawang nagmula sa mga pribadong indibidwal ang mga impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo at hindi dapat pabayaan ang mga ito na mabalewala lamang sa mababang kapulungan.
Sa ngayon ay apat na aniya ang nakabinbing reklamo laban kay VP Sara at tulad ng reklamo laban kay Pang. Ferdinand Marcos Jr., kailangan ding aksyunan ito ng mga mambabatas.
















