Itinalaga na bilang santo ngayong Linggo, Setyembre 7, 2025, si Carlo Acutis, isang 15-anyos na italianong binatilyo na tinaguriang “God’s influencer,” sa isang canonization mass na pinangunahan ni Pope Leo XIV sa St. Peter’s Square, Vatican City.
Si Carlo ay namatay noong 2006 dahil sa sakit na leukemia. Kilala siya sa kanyang malalim na pananampalataya at paggamit ng teknolohiya upang ipalaganap ang debosyon sa Eukaristiya. Sa murang edad ay nakabuo siya ng website na nagdokumento ng mahigit 100 milagro kaugnay sa Eukaristiya.
Nabatid na dalawang milagro ang kinilala ng Simbahang Katolika na iniugnay kay Carlo una ang paggaling ng isang batang Brazilian mula sa rare pancreatic disorder, at ang himalang paggaling ng isang estudyanteng Costa Rican mula sa matinding head injury matapos ipagdasal sa puntod ni Carlo.
Ayon sa kanyang ina, si Carlo ay isang normal na bata na mahilig sa video games at soccer, ngunit may bukas na puso para sa Diyos.
Hinangaan din si Carlo dahil sa kanyang pagiging bukas-palad at pagiging deboto sa Simbahan mula noong bata pa ito.
Inilagak ang kanyang katawan sa Assisi, Italy —tahanan ni San Francisco ng Assisi kung saan siya ay nakalibing na nakasuot ng jeans, sneakers, at bhoodie, gaya ng kanyang pang-araw-araw na kasuotan.
Sinasabing ang canonization ni Carlo ay sagot ng simbahan sa panawagan ng makabagong kabanalan sa gitna ng makabagong panahon, lalo na para sa mga kabataan.