Muling nanawagan si Pope Leo XIV sa lahat ng isang araw na kapayapaan sa buong mundo kahit na ngayon lang Pasko, kasabay ng pagsilang ng ating tagapagligtas na si Hesukristo.
Sa kaniyang pagharap sa mga mamamahayag sa labas ng Papal palace, sinagot ng Santo Papa ang ilang mga katanungan hinggil sa giyera sa Ukraine. Ayon kay Pope Leo, isa sa mga labis niyang ikinakalungkot sa mga araw na ito ang katotohanan na pagtanggi ng Russia sa hiling para sa Christmas truce o ceasefire.
Kaugnay nito, muling binuhay ng Santo Papa ang kaniyang panawagan para sa paghinto ng labanan sa Pasko at umaasa siya na makikinig sila sa panawagang ito na magkaroon ng 24 oras o isang buong araw na kapayapaan sa buong mundo.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Pope Leo ng pag-usad ng peace agreement sa middle east kung saan ang Phase 2 ng kasunduan ay kasalukuyan ng tinatalakay.
Samantala, hindi naman napigilan ng Santo Papa na magpahayag ng pagkadismaya sa kamakailang pag-apruba sa kaniya mismong home state na Illinois ng assisted suicide para sa mga adult na may terminal illnesses o may prognosis na anim na buwan o pababa simula sa Setyembre 2026.
Binigyang diin ni Pope Leo ang pangangailangan na irespeto ang pagiging sagrado ng buhay mula simula hanggang dulo, subalit sa kasamaang palad aniya, nagpasya pa rin si Illinois Governor JB Pritzker na pirmahan ang naturang panukala, kayat lubhang dismayado dito ang Santo Papa.
Kaugnay nito, inimbitahan ni Pope Leo ang lahat, partikular na ngayong Christmas season, na pagnilayan ang nature at kahalagahan ng buhay ng tao.
Saad ng Santo Papa, na nagkatawang tao ang Diyos tulad natin upang ipakita kung ano ang tunay na kahulugan ng mabuhay.
Kayat ang pag-asa at panalangin ng lider ng Simbahang Katolika na lumagong muli ang paggalang sa buhay ng tao sa bawat sandali, mula sa paglilihi hanggang sa likas na kamatayan.
















