-- Advertisements --

Pormal na isinara ni Pope Leo XIV ang Holy Year ng Simbahang Katolika noong Martes matapos isara ang Holy Door ng St. Peter’s Basilica, kasabay ng panawagan sa mga Kristiyano sa buong mundo na magpakita ng malasakit sa mga nangangailangan, lalo na sa mga migrante at dayuhan.

Sa kanyang mensahe sa ginanap na seremonya sa Vatican, binalikan ng Santo Papa ang tinatayang 33.5 milyong debotong pumunta sa Roma sa panahon ng jubilee year. Binigyang-diin niya ang panganib ng pagtingin sa tao bilang produkto sa gitna ng aniya’y baluktot na pananaw ng pagtingin sa ibang lahi.

“Around us, a distorted economy tries to profit from everything,” ani Leo. “After this year, will we be better able to recognise a pilgrim in the visitor, a seeker in the stranger, a neighbour in the foreigner?”

Ang Holy Year, na kilala rin bilang jubilee, ay karaniwang ginaganap tuwing ika-25 taon at nakatuon sa mga tema ng kapatawaran, pagkakasundo, at kapayapaan. Sa panahong ito, pinahihintulutan ang mga peregrino na dumaan sa mga itinalagang Holy Door sa apat na pangunahing basilica sa Roma at dumalo sa mga espesyal na aktibidad ng Santo Papa.

Ayon sa mga opisyal ng Vatican at Italy, umabot sa 185 bansa ang pinanggalingan ng mga peregrinong bumisita sa Roma sa 2025 Holy Year, kung saan nanguna ang Italy, United States, Spain, Brazil, at Poland.

Naging makasaysayan ang Holy Year 2025 dahil ito ay binuksan ng isang Santo Papa at isinara ng isa pa—isang pambihirang pangyayari na huling naganap mahigit 300 taon na ang nakalilipas.

Magugunitang binuksan ni Pope Francis ang jubilee bago siya pumanaw noong Abril matapos ang 12 taon bilang lider ng humigit-kumulang 1.4 bilyong Katoliko sa buong mundo.