-- Advertisements --

Nagsagawa ng unang direktang paguusap ang mga negotiator sa pagitan ng Ukraine at Russia ngayong Biyernes sa Istanbul.

Ito ay makalipas ang mahigit tatlong taon mula nang sumiklab ang giyera sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang naturang pagpupulong na idinaos sa Dolmabahce Palace sa Bosphorus ay isang sinyales ng diplomatic progress sa pagitan ng magkabilang panig na hindi pa kailanman nagkaharap mula noong Marso 2022.

Ang US na isa sa nagsisilbing mediator ay ipinadala si US State Department director of policy planning Michael Anton para kumatawan sa Amerika sa naturang pag-uusap.

Sa panig naman ng Ukraine, ipinadala ni President Volodymyr Zelensky ang kaniyang team na pinangunahan ni Defense Minister Rustem Umerov kasama ang deputy heads of Ukraine Intelligence services, deputy chief ng military general staff at deputy foreign minister.

Ang delegasyon naman ng Russia ay pinangunahan ni Kremlin aide Vladimir Medinsky kabilang ang deputy defense minister, deputy foreign minister at head ng military intelligence.

Ayon sa Turkish Foreign Ministry, isinagawa ang trilateral meeting sa pagitan ng mga opisyal ng Turkey, US at Ukraine kabilang si US Secretary of State Marco Rubio kaninang alas-3:45 ng hapon, oras sa Pilipinas, sinundan ito ng pag-uusap sa pagitan ng mga delegasyon ng Russia at Ukraine kasama ang mga opisyal ng US at Turkey kaninang alas-5:30 ng hapon, oras sa PH.

Subalit mababa naman ang inaasahang breakthrough sa Ukraine peace talks matapos na una ng ihayag ni US President Donald Trump na walang inaasahang progreso o pag-usad sa peace talks hangga’t hindi sila nagkakausap ni Russian President Vladimir Putin.