-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni US President Donald Trump na nakagawa ng maraming progreso ang pulong nila ni Ukraine President Volodymyr Zelensky sa Florida nitong Linggo, Disyembre 28 (local time).

Sa pagharap ng dalawa sa isang press conference matapos ang bilateral talks, kapwa inilarawan ng dalawang lider ang kanilang pulong bilang mahusay at kahanga-hanga at kapwa positibong malapit nang maabot ang naturang peace plan.

Pinasalamatan din ni Trump ang mga US official na nanguna sa negosasyon para sa peace plan.

Ayon naman kay Zelensky, nasa 90% ng 20-point peace plan na ipinanukala ng Amerika ang napagkasunduan at 100 % ang napagkasunduan na sa security guarantees sublit sinabi naman ni Trump na malapit pa lang sa 95% ang napagkasunduan sa security guarantee para sa Ukraine.

Saad pa ni Zelensky, mahalaga ang security guarantees para makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Ukraine. Ibinahagi rin ng Ukraine President na nakatakdang makipagkita ang negotiator team ng Ukraine sa European leaders kabilang ang NATO sa mga susunod na linggo para isapinal ang lahat ng napag-usapan sa peace plan. Sa huli, iginiit ni Zelensky na handa ang Ukraine para sa pagkamit ng kapayapaan.

Sa kabila nito, inamin ni Trump na may isa o dalawa pang usapin na nananatiling hindi naresolba, una ay ang demand ni Russian President Vladimir Putin sa Ukraine na ipasakamay ang mahigit 25% ng eastern Donetsk region na hindi pa naookupa ng Russia at ikalawa, ang isyu sa pinakamalaking nuclear power plant malapit sa Zaporizhzhia na kasalukuyang nasa ilalim ng kontrol ng Russia.

Ayon kay Trump, sa ilalim ng US peace plan, papatakbuhin ang naturang planta ng US, Ukraine kasama ang Russia at pare-parehong makikinabang dito subalit tinututulan ni Zelensky ang anumang commercial involvement ng Russia.

Nag-usap rin sina Trump at Putin sa telepono sa loob ng mahigit dalawang oras bago ang bilateral talks nila ni Zelensky.

Sa pakikipag-usap ni Trump kay Putin, nangako aniya ang Russian leader na tutulong sa muling pagbangon ng Ukraine kapag natapos ang giyera. Aniya nais ng Russia na magtagumpay ang Ukraine. Tinukoy ni Trump ang mga tulong na ibibigay ng Russia kabilang ang pagsusuplay ng kuryente sa mababang presyo.