-- Advertisements --

Tumestigo na si dating US Secretary of State Hillary Clinton sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa mga krimeng nagawa ng kontroberisyal na American financier at sex offender na si Jeffrey Epstein.

Nauna na kasing lumitaw ang pangalan ng kaniyang asawa na si dating US President Bill Clinton sa Epstein files na inilabas ng Department of Justice, bagamat hindi inakusahan ang mag-asawa ng anumang iligal na gawain kaugnay sa kaso ni Epstein.

Sa kaniyang pagtestigo sa closed door session ng House Oversight Committee na nagiimbestiga sa Epstein case, nilinaw ni Hillary na wala siyang nalalaman kaugnay sa mga krimeng nagawa ni Epstein.

Nais din niyang lumabas ang katotohanan at hinimok ang mga mambabatas na kastiguhin si US President Donald Trump nang nakapanumpa kaugnay sa kaniyang nagdaang koneksiyon sa yumaong sex offender.

Sa kaniyang pagharap naman sa media, inihayag ni Hillary ang kaniyang pagkadismaya dahil hindi isinapubliko ang kaniyang testimoniya.

Binatikos din ni Clinton ang Republican members ng komite sa hindi pagtatanong tungkol sa ibang indibidwal kabilang ang convicted associate ni Epstein na si Ghislaine Maxwell.

Nauna naman nang itinanggi ni former President Clinton ang anumang kaalaman kaugnay sa mga krimen ni Epstein at wala na umano silang ugnayan dalawang dekada na ang nakakalipas.

Nakatakda namang sunod na tumestigo ang dating Pangulo ng Amerika ngayong Biyernes, Pebrero 27.