Inulat ng Ukraine na inatake ng Russia gamit ang daan-daang drone at missile ang iba’t ibang lugar sa bansa, na nagdulot ng hindi bababa sa 10 ang nasugatan, kabilang dito ang anim sa Kyiv at apat sa rehiyon ng Zaporizhzhia.
Tinarget umano ng mga pambobomba ang mga residential area at iba pang mahahalagang pasilidad sa Ukraine.
Kasabay nito, nag-deploy naman ang Poland ng mga fighter jets at inilagay sa mataas na alert level ang mga air defense system nito upang protektahan ang kanilang himpapawid, lalo na sa mga lugar na malapit sa border ng Ukraine.
Nabatid na ang pag-atake ay sumunod sa mga balitang tumanggap ang Ukraine ng US-made Patriot air defense system mula sa Israel, na gagamitin para labanan ang mga atakeng galing Russia.
Nagbabala naman ang Russia at NATO tungkol sa pagtaas ng tensyon, habang patuloy ang banta sa seguridad ng rehiyon.
Nagdulot din ng pangamba ang pagkawala ng kuryente sa Zaporizhzhia nuclear power plant, na itinuturing na pinakamalaki sa Europa, na nanatiling walang koneksyon ng kuryente sa loob ng apat na araw.