-- Advertisements --

Dinipensahan ni US President Donald Trump si Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman kaugnay sa pagpaslang sa Saudi journalist na si Jamal Ahmad Hamza Khashoggi.

Matatandaan, in-assassinate ang mamamahayag sa Istanbul noong Oktubre 2, 2018 ng mga ahente ng Saudi government sa utos ng Saudi Crown Prince, base sa inilabas na U.S. intelligence report noong February 2021.

Sa unang pagbisita ng Saudi Crown Prince sa White House nitong Martes, Nov. 18 (eastern tme) makalipas ang pitong taon, nakipagpulong siya kay US President Donald Trump.

Sa kanilang pag-uusap, hindi napigilan ni Trump na pagalit na depensahan ang Saudi royal kaugnay sa naturang kontrobersiya kung saan inilarawan ng US President ang nagawa ni Mohammed Bin Salman bilang kahanga-hanga umano pagdating sa karapatang pantao.

Depensa pa ni Trump nang matanong ang Crown Prince sa pagpatay kay Khashoggi, “nangyayari ang mga bagay-bagay,” subalit walang alam dito ang Crown Prince.

Binara din ni Trump ang journalist na nagtanong sa crown prince kaugnay sa pagpaslang kay Kashoggi at sa September 11 attack, kung saan nagpahayag ng galit ang mga pamilya ng mga biktima sa pagbisita ng crown prince dahil sa naging papel umano niya sa pag-atake.

Pinagsabihan ni Trump ang mamamahayag na hindi dapat ipahiya ang kanilang bisita sa pagtatanong ng naturang katanungan at pinuri ang Saudi Crown Prince para sa kaniyang nagawang “phenomenal job”.

Samantala, sinagot na rin ng Crown Prince ang mga alegasyon laban sa kaniya, kung saan nagpahayag ito ng pakikiisa sa sakit na nararamdaman ng mga pamilya ng September 11 attack sa Amerika. Inakusahan niya si Osama bin Laden na ginamit ang Saudi para sirain ang relasyon sa pagitan nila ng Amerika.

Pagdating naman sa napatay na journalist, nagpahayag din ng kalungkutan ang Crown Prince at sinabing masakit na marinig na nasawi ang isang indibidwal nang walang kabuluhan. Aniya, masakit at isang malaking pagkakamali ito. Ginawa din aniya nila ang lahat ng legal na hakbang sa imbestigasyon sa kaso at pinapahusay pa ang sistema sa Saudi para matiyak na hindi na maulit pa ang kaparehong insidente.

Matatandaan, nauna ng itinanggi ng Crown Prince ang pag-utos na ipapatay ang journalist subalit inako niya ang responsibilidad bilang de facto ruler ng Kingdom of Saudi Arabia.