Hinimok ng Makabayan bloc ang gobyerno ng Pilipinas na tanggihan ang imbitasyon ni US President Donald Trump sa bansa na maging bahagi ng Board of Peace para sa Gaza.
Ang mga mambabatas mula sa Makabayan bloc, kabilang sina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co, ay hindi naniniwalang para sa kapayapaan ang hangad ng naturang inisyatibo, kundi isang mekanismo umano upang gawing legal ang pananakop ng US, pagkakitaan ang rekonstruksiyon nito at i-bypass ang United Nations bilang pagpabor sa US-dominated framework alinsunod sa interest ng tinawag nilang “imperialist.”
Nakikita rin ito ng grupo bilang isang transparent scheme para pagkakitaan ang rekonstruksiyon ng Gaza na winasak ng mga bomba ng US at agresyon ng kaalyado nitong Israel.
Giit ng grupo na hindi dapat maging kasabwat ang Pilipinas sa iligal na pagsakop sa Gaza. Ang pagsama umano sa Board of Peace ay pakikipagsabwat sa war criminals at profiteers sa halip na sa mga inaaping mamamayan ng Palestine na nakikipaglaban para sa kanilang kalayaan at buhay.
Idinulog din ng Makabayan ang hindi pagbanggit sa Board of Peace charter sa Gaza ni minsan sa 11 pahinang dokumento. Sa halip, inirekomenda ang malawakang kautusan para sa bagong international organization na naglalayong i-bypass at palitan ang UN.
Inihayag din ng grupo na mayroong veto power sa lahat ng pangunahing desisyon si Trump bilang tumatayong chairman. Hindi aniya ito multilateralismo kundi isang unilaterismo ng US na nagkukunwari bilang international cooperation.
Saad ng grupo na dapat tularan ng Pilipinas ang ilang bansa na tumangging makibahagi sa naturang Board at binigyang diin ang pakikiisa nila sa mamamayang Palestino at nanawagan para sa pagwawakas ng US military raid sa Israel, iligal na pag-okupa sa mga teritoryo ng Palestine at pananagutan sa lahat ng responsable sa genocide at war crimes sa Gaza.















