-- Advertisements --

Nananawagan ang Makabayan bloc kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tanggihan ang planong pagtatayo ng US-backed ammunition factory sa bansa, na bahagi umano ng US-led Partnership for Indo-Pacific Industrial Resilience (PIPIR) program.

Sa isang statement, sinabi ng grupo na ilalagay nito ang Pilipinas sa panganib at maaaring hilahin ang bansa sa mga sigalot na kinasasangkutan ng Estados Unidos.

Giit ng mga mambabatas na sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Co, ang paggawa ng bala at armas ay hindi lehitimong programang pang-ekonomiya at nagdudulot ng panganib sa seguridad ng bansa, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng langis, kuryente, pamasahe, at pagkain.

Anila, “ginagawa tayong target at bodega ng bala.”

Dagdag pa nila, hindi makatarungan na paglaanan ng pondo ang paggawa ng armas habang nahihirapan ang mamamayan sa pang-araw-araw na gastusin.

Una rito, nagkasundo ang Estados Unidos at ang kanilang mga kaalyado sa Partnership for Indo-Pacific Industrial Resilience (PIPIR) na pag-aralan ang pagtatayo ng pasilidad para sa paggawa ng ammunition (bala) sa Pilipinas.

Ang pokus nito ay ang paggawa ng 30-millimeter cannon rounds na ginagamit sa mga military aircraft at ground vehicle.

Ito ay bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin pa ang defense industrial capacity sa rehiyon. Sa kasalukuyan, ito ay nasa yugto pa lamang ng pag-aaral at pagpaplano.