Inilunsad nitong Sabado ng mga civil society, akademiko, at mga grupo ng simbahan ang “Bantay Impeachment” campaign upang hikayatin ang masusing pagbabantay ng publiko sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Dumalo rin sa paglulunsad ang mga miyembro ng House prosecution team na sina Bicol Saro Party-List Rep. Terry Ridon, Manila Rep. Joel Chua, at Kabataan Party-List Rep. Renee Co bilang suporta sa inisyatiba.
Kabilang sa mga nakalatag na aktibidad ang mga forum, watch party, rally, at iba pang programa upang subaybayan ang proseso ng impeachment, ilantad ang anumang pagtatangkang hadlangan ito, at hikayatin ang partisipasyon ng mamamayan.
Ayon kay Professor David San Juan ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw, dapat timbangin ang mga ebidensya sa halip na pigilan ang paglilitis.
Samantala, sinabi ni Joaquin Buenaflor ng Youth Rage Against Corruption na mahalaga ang usapin ng impeachment dahil ang bawat pisong nauuwi sa korapsyon ay pondong dapat napapakinabangan ng taumbayan.















