-- Advertisements --

Isinusulong sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na naglalayong salagin ang biglaang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa ilalim ng House Bill 8839 o “Fuel Price Stabilization and Energy Security Act” na inakda ni Manila Rep. Joel Chua, mabibigyan ng kapangyarihan ang pamahalaan na manghimasok sa presyo at supply ng langis sa lokal na merkado.

Taliwas ito sa kasalukuyang sistema kung saan ang mga kompanya ng langis lamang ang nagdidikta ng presyo batay sa Oil Deregulation Law.

Nakasaad sa panukala ang pagtatatag ng Oil Price Stabilization Fund at Strategic Petroleum Reserve, na magsisilbing imbakan ng murang langis tuwing mababa ang presyo sa pandaigdigang merkado at ilalabas lamang sa panahon ng krisis.

Ayon kay Chua, sa ganitong mekanismo ay maiiwasan ang panic buying at masisiguro ang sapat na supply ng langis kahit sa gitna ng pandaigdigang kaguluhan.