-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Kataas-taasang Hukuman ng Venezuela, hatinggabi ng Sabado na pansamantalang gampanan ni Vice President Delcy Rodríguez ang pamumuno sa bansa, matapos ma-aresto ng Estados Unidos si Pangulong Nicolás Maduro na ngayo’y nasa New York City sa Amerika.

Sa desisyon ng korte, inatasan si Rodríguez na “akuin at gampanan, sa pansamantalang kapasidad, ang lahat ng tungkulin, kapangyarihan, at responsibilidad na kaakibat ng posisyon ng Pangulo,” upang matiyak ang pagpapatuloy ng pamahalaan at ang komprehensibong pagtatanggol sa bansa.

Gayunman, hindi idineklara ng mga mahistrado na permanenteng wala na sa puwesto si Maduro.

Ayon sa batas ng Venezuela, ang ganitong deklarasyon ay magbubunsod ng pagsasagawa ng halalan sa loob ng 30 araw.

Sa ngayon, pansamantala lamang ang pag-upo ni Rodríguez bilang pinuno ng estado habang patuloy na dinidinig ang kaso ni Maduro.