-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na pinatitibay ng pamahalaan ang sektor ng enerhiya upang matiyak ang maaasahan at abot-kayang suplay ng kuryente sa bansa. 

Pahayag ito ng Pangulo sa ginanap na turnover ng Caliraya-Botocan-Kalayaan Hydroelectric Power Plants (CBK HEPP) sa Kalayaan, Laguna. 

Ayon sa Pangulo, mahalaga ang CBK facilities sa pagbalanse ng supply at demand ng kuryente dahil nag-iimbak ito ng tubig gamit ang sobrang kuryente tuwing off-peak hours at ginagamit ito upang lumikha ng kuryente kapag mataas ang demand.

Dagdag pa niya, ang modernisasyon ng pasilidad ay magreresulta sa mas kaunting brownout at mas tuloy-tuloy na serbisyo sa mahahalagang institusyon tulad ng ospital at paaralan. 

Binanggit din ng Pangulo na ang turnover ng CBK HEPP sa Thunder Consortium—na binubuo ng Aboitiz Renewables, Inc., Sumitomo Corporation, at J-Power—ay hakbang tungo sa mas episyente, transparent, at mas matatag na sistema ng enerhiya.

Ang CBK HEPP ay isa sa pinakamalaking hydropower complex sa Luzon na may kapasidad na 797 megawatts.