Nakatakdang dumating ngayong Miyerkules, Enero 21 si US President Donald Trump sa Davos, Switzerland kung saan idinaraos ang World Economic Forum (WEF) 2026.
Dito, haharap si Trump sa mga world leader kung saan inaasahang magiging sentro ng kaniyang talumpati ang mga bisyon ng Amerika kabilang ang mainit na usapin kaugnay sa posibleng pag-take over ng US sa Greenland.
Papangunahan ni Trump ang pinakamalaking delegasyon sa WEF, kung saan plano rin ng US President na makipagkita sa top business CEOs at international leaders, magbibigay ito ng speech sa conference attendees at makikibahagi sa formal signing ceremony para pagtibayin ang kaniyang binubuong “Board of Peace” para pangasiwaan ang pagbangon ng Gaza.
Ang muling pagharap ni Trump sa ilang world leaders ay sa gitna ng mga kritisismong kinakaharap niya kasunod ng kamakailang pag-aresto sa Pangulo ng Venezuela na si Nicolas Maduro, pagkumpiska sa langis ng naturang bansa at ang kaniyang pagbabantang itake-over ang Greenland nang pwersahan kung kinakailangan.
















