Opisyal na papadalhan ng imbitasyon si U.S. President Donald Trump para dumalo sa Association of Southeast Asian (ASEAN) Summit na gaganapin dito sa Pilipinas.
Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Babe Romualdez, dati nang naipaabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang personal na paanyaya sa pangulo ng US noong nagkausap ang dalawa sa Oval Office noong nakalipas na taon.
Nangako rin aniya si Trump na dadalo sa mahalagang pagpupulong.
Gayunpaman, kailangan pa aniyang maisapormal ang naturang imbitasyon.
Naniniwala ang Philippine ambassador na kailangan lamang maging akma ang oras ng isasagawang summit, lalo at nakatakda ito sa Nobiyembre ng kasalukuyang taon kung kailan isasagawa rin ang midterm elections sa US.
Ayon pa kay Romualdez, hindi lamang ang Pilipinas ang mag-iimbita kay Trump dahil bukas din ang lahat ng miyembro ng ASEAN Business Council na imbitahan ang US president na dumalo sa high-level meetings nito na inaasahang gaganapin sa Pilipinas.
Nananatili naman aniya ang pagsuporta ng US sa ASEAN kung saan nagsisilbing chairman ang Pilipinas ngayong taon.
















