Bumagsak ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ngayong Lunes matapos ang ikinasang operasyon ng US sa Venezuela, na may pinakamalaking reserba ng krudo sa buong mundo.
Inaasahang magdadagdag sa pangamba sa labis na suplay ang pagtaas ng volume ng langis ng Venezuela na papasok sa merkado, na magbibigay ng lalo pang pressure sa mga presyo ng langis, na bumaba sa mga nakalipas na buwan.
Sa oil trade sa Asya nitong umaga ng Lunes, bumaba ang Brent Crude ng 0.21%, kayat ito ay nagkakahalaga ngayon ng $60.62 kada bariles, habang ang West Texas Intermediate naman ay natapyasan ng 0.35%, kayat ito ay nasa halagang $57.12 kada bariles.
Matatandaan, naglunsad ng strike ang Amerika sa Caracas, kabisera ng Venezuela noong araw ng Sabado, na nagresulta sa pagkakadakip kay Venezuelan President Nicolas Maduro at First Lady Cilia Flores.
Kasunod nito, inanunsiyo ni US President Donald Trump na ang US muna ang magpapatakbo sa Venezuela at ipapadala ang mga kompaniya ng US para ayusin ang umano’y sira-sira o napabayaang imprastruktura ng langis sa Venezuela.
















