Kokonsultahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang publiko para sa hirit na taas pasahe simula sa susunod na linggo.
Ito ay sa gitna ng magkakasunod na linggong pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa ahensiya, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at halaga ng maintenance ng sasakyan ang nag-udyok sa mga grupo ng transportasyon na maghain ng kanilang petisyon para sa umento sa minimum fare hike.
Sa isang statement, sinabi ni LTFRB chairperson Atty. Vigor Mendoza III na magdaraos sila ng dalawang pagdinig sa susunod na linggo para talakayin ang lahat ng mga isyung bumabalot sa mga inihihirit na fare hike.
Base sa mga petisyon, hinihiling ng transport groups ang karagdagang P2 sa minimum fare, gawing P15 ang minimum fare para sa traditional jeepneys at P15 hanggang P17 para sa modern jeepneys.
Ayon pa sa ahensiya, hinihiling ng transport groups na maging permanente ang P1 provisional increase noong 2023.
Nais din ng petitioners na madagdagan ang bawat dagdag na kilometro matapos ang 4-kilometer charge sa minimum fare.














