-- Advertisements --

Nasawi ang isang 80 anyos na lola matapos mabangga ng patrol car ng Jagna Municipal Police Station (MPS) ang sinasakyang tricycle kahapon, Pebrero 8, sa National Highway sa Barangay Tangohay, bayan ng Dimiao, Bohol.

Sugatan naman sa insidente ang tatlong iba pang pasahero, kabilang na ang drayber ng tricycle.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PMaj. Rey Olar, spokesperson ng Bohol Provincial Police Office, sinabi nito na tinatahak ng dalawang sasakyan ang parehong direksyon nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Olar, galing sa simbahan ang mga biktima habang galing naman sa Regional Trial Court ng Loay ang patrol car na minamaneho ni PSMS Neil Vernel, 42 anyos, upang maghatid ng mga dokumento.

Aniya, huminto ang tricycle para makababa sana ang nasawing biktima at ang anak nito nang aksidenteng mabangga ng patrol car na nakasunod.

Dahil sa lakas ng impact, wasak ang harapang bahagi ng patrol car at tumilapon naman ang tricycle, na naging dahilan ng mga sugat ng mga pasahero at ikinamatay ng lola.

Dagdag pa niya, naisampa na nitong umaga ang kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property laban sa drayber na pulis.

Kasalukuyan naman itong naka-detain sa Dimiao Municipal Police Station habang patuloy pa’ng iniimbestigahan ang naturang insidente.

Paalala pa nito sa mga motorista na ugaliing mag-ingat sa pagmamaneho.