-- Advertisements --

Bagama’t handa na ang mga paaralan para sa pagbubukas ng klase, nananatiling hamon para sa Department of Education-Bohol ang mababang bilang ng mga mag-aaral na nakapag-enrol.

Sa pagtatanong ng Star FM Cebu kay DepEd-Bohol Schools Division Superintendent Dr. Fay Luarez, sinabi nitong nasa 62.42% pa lamang ang kabuuang enrolment sa lalawigan as of 8:05am kahapon, Hunyo 4.

Katumbas ito ng 188,494 enrollees, kung saan 62.56% pa lamang ang nakapagpatala sa mga pampublikong paaralan at 47.26% sa mga pribadong paaralan.

Ayon kay Luarez, nangangahulugan ito na may 37.58% pang mga mag-aaral na hindi pa nakapag-enrol bago ang pagsisimula ng klase sa susunod na linggo.

Noong nakaraang taon, umabot sa 273,846 ang enrolment sa mga pampublikong paaralan at 36,303 naman sa mga pribadong paaralan dahilan para umabot sa kabuuang 301,962.

Umaasa naman ito na tataas pa ang bilang ng mga enrollees sa mga susunod na araw sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga paaralan, magulang, at komunidad.

Gayunman, aminado itong nakikita sa kasalukuyang datos ang posibleng pagbaba ng enrolment ngayong taon.