Mahigit 20 pasahero ang ligtas na nailigtas matapos masiraan ng makina ang isang ferry boat sa karagatan ng Basilan noong Biyernes, ayon sa mga awtoridad.
Batay sa ulat, ang wooden-hulled M/L Julifer ay umalis ng Zamboanga City madaling araw ng Biyernes patungong Laminusa Island sa bayan ng Siasi, Sulu.
Bandang alas-3 ng madaling araw, bigla umanong tumirik ang makina ng sasakyan-dagat habang ito ay nasa bahagi ng Lampinigan Island sa Isabela City.
Dahil dito, napilitan ang mga pasahero at crew na humingi na ng agarang tulong.
Agad rumesponde ang mga tauhan mula sa Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Isabela City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), katuwang ang Philippine Coast Guard, upang isagawa ang rescue operation.
Ayon sa mga awtoridad, ligtas na na-evacuate ang lahat ng pasahero at crew at pansamantalang dinala sa Lampinigan, bago inihatid sa Isabela port.
Nagbigay naman ng tulong ang Isabela City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at City Health Office (CHO) sa pamamagitan ng profiling at pagbibigay ng medical services sa mga nailigtas.
Napag-alaman na ilang oras lamang bago ang insidente ay naglabas ang Coast Guard ng temporary suspension ng sea trips bunsod ng pagdating ng Tropical Depression Basyang.
















