Target ng trilyong pisong pondo ng Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon na matugunan ang lumalalang krisis sa edukasyon sa bansa.
Ayon kay Education Sec. Sonny Angara, magpapalakas pa sa mga isinusulong na reporma ng ahensiya ang bersiyon ng Senado na General Appropriations Bill na nagpataas pa sa alokasyong pondo ng ahensiya ng 12.65% mula sa National Expenditure Program at P77.66 billion sa inaprubahang panukalang pondo ng Kamara.
Saad ng kalihim, isusulong ng 2026 budget ng ahensiya ang pangmatagalang roadmap para sa pagpapahusay ng access, accountability, kalidad ng edukasyon at kahandaan ng mga mag-aaral sa hinaharap.
Ang malaking parte ng pondo ay nakikitang ilalaan para sa textbooks at learning materials, na magbibigay daan sa kagawaran para makapag-produce ng mahigit 79 milyong learning resources, makapag-develop ng karagdagang mga titulo at mapalawak pa ang reading materials para sa mga unang baiting.
Gayundin, nakatanggap ng umento sa pondo ang school-based feeding program, na makakatulong sa ahensiya para maserbisyuhan ang 4.49 milyong mag-aaral.
Kasama din sa tinaasan ang pondo para sa disaster preparedness and response program para suportahan ang emergency operations centers at iba pa.
Itinuturing din ng kalihim na makasaysayan ang pagtaas ng pondo para sa mga school infrastructure para sa pagpapatayo ng mahigit 24,000 silid-aralan, pagkumpuni ng halos 11,000 silid at makumpleto na ang mga hindi pa natatapos na gusali para matugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Papalakasin din ang personnel support ng DepEd sa pamamagitan ng pagpopondo sa mahigit 300,000 new teaching positions.















