-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Walang impact ang inilunsad na Trillion Peso March 2.0 sa may EDSA People Power Monument.

Ito ang assessment ni Professor Gerry Caño, pangulo ng Professional Criminologists Association of the Philippines o PHAP.

Ibinunyag nito na malayong-malayo ang nasabing rali kumpara sa naganap na EDSA People Power 1 noong 1986, na nagpahinto sa takbo ng kalakalan dahil sa napakalaking bilang ng mga nagtipong tao na nagpahinto rin maging sa transportasyon at halos kaparehong senaryo rin ang nangyari sa EDSA 2.

Inihayag pa ng propesor na ang mismong pagtakda ng naturang rally sa araw ng Linggo ay isang palatandaan na ayaw ng mga organizers na maabala ang trabaho, pasok, at galaw ng komersiyo sa pangkalahatan.

Bukod pa rito, sa parke lamang idinaos ang pinakahuling aktibidad, na taliwas sa unang dalawang EDSA People Power na mismong idinaos sa mga pangunahing kalsada.

Ipinunto pa ni Caño na ang pahayag ng kasundaluhan kaugnay sa naturang aktibidad ay nagpapakita lamang ng kahinaan nito kumpara sa EDSA 1 at 2, kung saan nagbago ang paninindigan ng militar matapos maparalisa ang regular na mga aktibidad sa kabisera.