-- Advertisements --

Nanindigan si dating Sen. Antonio Trillanes IV na nasa Davao City pa rin si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na mahigit isang buwan nang hindi nakikita sa Senado.

Ito ay sa kabila ng naunang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nasa Central Luzon ang senador, partikular sa probinsya ng Pampanga.

Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Trillanes na nagtatago pa rin si Dela Rosa sa Davao, tulad umano ng ginawa ng dating senador ilang linggo na ang nakalipas.

Ayon sa kanya, ilang linggo na mula nang sabihin niyang nasa balwarte ng mga Duterte ang dating Philippine National Police chief, at wala na rin umano itong balak na lumabas pa.

Naniniwala si Trillanes na hindi itinatago ng mga miyembro ng unipormadong hanay tulad ng militar o pulisya ang dating heneral, kundi siya lamang at ang pinakamalalapit sa kanya ang nakakaalam ng posibleng kinaroroonan nito.

Hindi rin kinumpirma o itinanggi ni Trillanes kung may nalalaman siya ukol sa posibleng paglabas ng kopya ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa, na naging usap-usapan nitong weekend.

Aniya, ang patuloy na pagtatago ng senador ay maaaring magamit sa ethics complaint na plano niyang isampa laban dito sa takdang panahon, kasunod ng tuloy-tuloy na pagliban.

Inihalimbawa pa niya ang kawalan ng kumpirmasyon mula sa gobyerno ng Pilipinas kung mayroon na ngang warrant, ngunit sa kabila nito ay patuloy pa ring nagtatago ang dating heneral, bagay na maaari umanong isingil sa kanya bilang hindi paggampan ng tungkulin nang walang akmang dahilan.

Nitong Sabado, Disyembre 20, naging usap-usapan ang posibleng pag-aresto kay Dela Rosa, ngunit ayon sa Department of the Interior and Local Government, wala silang hawak na kopya ng warrant laban sa dating PNP chief.