Naging agaw-pansin ang iba’t ibang pakulo ng mga deboto na dumalo sa Traslacion ngayong taon.
Isa na rito ang pagpo-propose ni Kim Noel Yamat, 23, sa kaniyang tatlong taong kasintahan na si Joie Flores. Parehong deboto ang mga ito ng itim na Nazareno kung kaya’t naisipan daw ni Yamat na isabay sa Traslacion ang pagyaya nito na magpakasal sa kaniyang nobya.
Bayanihan naman ang pinatuyan ng isang grupo ng mga deboto o mas kilala bilang Paredes chapter matapos nilang mamigay ng libreng pagkain at tubig sa mga kapwa nila deboto na nakiisa sa prusisyon at tiniis ang init, pagod at gutom para lamang gawin ang kanilang taunang debosyon.
Naging mabenta rin ang mga souvenirs tulad ng mga damit, panyo at bandana na may mukha ng Poong Nazareno. Hindi rin mawawala ang mga maliliit na replika ng Black Nazarene o memorabilia na binebenta sa halagang P200.
Nagdulot naman ng alarma sa ilang deboto ang balitang nabali di-umano ang krus ng Nazareno habang papasok ito ng Hidalgo dakong alas-dos ng hapon.
Binigyang linaw naman ng Manila Public Information Office na hindi totoo ang naturang balita. Detachable o bendable raw talaga ang bahagi ng krus na inakalang nabali, ginawa ito upang mas mapadali ang pagliko ng imahe sa mga masisikip na eskinita at maiwasan ang pagsabit sa mga mababang kable.
Sa center island naman ng Quezon Blvd sa Quiapo Church ay nagpaka-bayani ang 45-anyos na si Manong Richard Najera matapos nitong ipagamit ang kaniyang sariling likod upang gawing tuntungan ng mga deboto na nagnanais lumipat sa kabilang kalsada.