-- Advertisements --

Tiniyak ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang kaniyang kahandaan na tumestigo laban sa mga mambabatas na umano’y nakikinabang at tumatanggap ng kickback sa mga proyekto ng gobiyerno.

Ayon sa alkalde, naghihintay lamang siya ng paanyaya mula sa posibleng congressional inquiry para i-presenta ang mga dokumentong sumusuporta sa kaniyang mga claim.

Giit ng alkalde, handa siyang iharap ang mga piraso ng ebidensiya na kaniyang nalilikom, at handa rin aniya siyang ilaan ang kaniyang oras para makatulong sa imbestigasyon at tuluyang pagpapanagot sa mga magkakasabwat.

Inihalimbawa ng dating heneral ang kaniyang expertise sa loob ng ilang dekadang pananatili sa Philippine National Police (PNP).

Maraming pagkakataon aniya na nagsagawa siya noon ng imbestigasyon mula sa pagiging bagitong pulis hanggang sa pagiging heneral ng pulisya. Ang framework aniya na kaniyang ginagamit noon ay epektibo at kaniya ring nagagamit ngayon bilang local chief executive.

Naniniwala ang dating heneral na bagaman mahirap patunayan ang pagkakasangkot ng mga pulitiko, kongresista, atbpang opisyal sa kalakaran at sistema ng kickback sa mga public infrastructure project, may paraan pa ring mahuli ang mga ito at tuluyang mapanagot.

Nakahanda umano siyang ipresenta ito sa posibleng pagdinig na pangungunahan ng Kongreso.

Si Magalong ay dating nagsilbi sa Philippine Constabulary at sa PNP.

Sa ilalim ng pambansang pulisya, nagsilbi siyang chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang opisinang nagsagawa ng imbestigasyon sa kontrobersyal na Oplan Exodus, ang operasyon na ikinasawi ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Force.

Nagretiro siya na may rangong Police Deputy Director General.