Matagumpay nasamsam ng mga tauhan ng Pambansang Pulisya ang nasa 143-milyon piso halaga ng smuggled na sigarilyo sa lungsod ng Quezon.
Batay sa impormasyon, ito’y buhat nang maharang ng Philippine National Policd Highway Patrol Group Special Oprations Division ang dalawang trailer truck habang nagsasagawa ng routine anti-carnapping at traffic enforcement operations.
Katuwang ng PNP-Highway Patrol Group sa ikinasang operasyon maging at pati Bureau of Customs sa pagkakasamsam ng naturang mga ilegal na produkto.
Bunsod nito’y ipinapakita anila na malinaw at matatag ang paninindigan ng Pambansang Pulisya laban sa ilegal na kalakalan at katiwalian sa ilalim ng pamumuno ni Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Binigyang diin na patuloy at mayroong malinaw na command responsibility, disiplina at integridad sa hanay ng kapulisan.
Sa naturang operasyon, napag-alaman ding hindi rehistrado ang mga sasakyan at kargado nito na tinatayang dalawang libong kahon ng sigralyong sinasabing walang kaukulang dokumento.
Ngunit partikular sa kaso, ibinahagi nilang nagkaroon din ng tangkang panunuhol kaugnay sa na-impound na truck.
Kung kaya’t sa kaparehong araw, ikinasa ang entrapment operation ng Regional Highway Patrol Unit 3 sa Camp Olivas, lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Nag-alok umano ang mga suspek ng 5-milyon piso kapalit ng paborableng aksyon kaya naman arestado ang tatlong indibidwal at narekober pa ang marked money.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Department of Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla na hindi kukunsintihin ang anumang anyo ng panunuhol at di’ pagsunod sa batas.
Habang iginiit naman ni Acting PNP Chief Nartatez Jr. na papanagutin ang sinumang sangkot sa ilegal na gawain.
















