-- Advertisements --

BUTUAN CITY -Iniulat na lamang ng pamilyang Lariosa ang pagkakatagpo sa kanilang kamag-anak na wala ng buhay kahapon ng alas-8:30 ng umaga sa tabi ng isang sapa sa Barangay Manoligao, bayan ng Carmen, Agusan del Norte.

Kinilala ang biktima na si Rolando Maglasang Lariosa, isang truck driver, na pinaniniwalaang nalunod sa Purok 1 ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat ng Carmen Municipal Police Station, ang kapatid ng biktima na si Melanie Paican, 34 taong gulang, residente ng District 11, Macopa, Brgy. Poblacion, Carmen, ang nagtungo sa kanilang tanggapan upang iulat ang insidente.

Huling namataan ang biktima nitong nakalipas na araw ng Huwebes, Pebrero a-5, habang nag-aayos ng kulungan ng baboy, at hindi na ito nakauwi sa kanilang tahanan hanggang sa matagpuan na lamang ang kanyang bangkay kahapon sa tabi ng sapa.

Posible umanong inatake ng hypertension ang biktima na siyang pinaniniwalaang sanhi ng kanyang pagkamatay.