Naghain si House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng panukalang batas na naglalayong ipatupad ang mahigpit na patakarang “no work, no pay” para sa mga miyembro ng Kongreso upang matugunan ang problema ng pagliban sa trabaho, mapalakas ang pananagutan, at maprotektahan ang pondo ng bayan.
Ang House Bill (HB) No. 7432, na pinamagatang “No Work, No Pay for Members of Congress Act,” ay nagtatakda na ang suweldo at iba pang benepisyo ng mga senador at kinatawan ay direktang iuugnay sa kanilang aktuwal na pagpasok at pakikilahok sa mga sesyon ng plenaryo, pagdinig ng mga komite, at iba pang opisyal na tungkuling lehislatibo.
Sa kaniyang explanatory note, sinabi ni Marcos na ang prinsipyong “no work, no pay” ay karaniwang ipinapatupad sa mga manggagawa sa buong bansa, subalit ang mga miyembro ng Kongreso na may responsibilidad sa paggawa ng batas at sa representasyon ng mamamayan ay patuloy na tumatanggap ng kompensasyon kahit hindi pumapasok sa trabaho.
Dahil dito, aniya, lumalala ang pangamba ng publiko hinggil sa absenteeism, kakulangan ng pananagutan, at pag-aaksaya ng pera ng mga nagbabayad ng buwis.
Layunin ng panukala na matiyak na ang pondo ng bayan ay ginagastos lamang kapag ginagampanan ng mga halal na opisyal ang kanilang tungkulin.
Dagdag pa ni Marcos, ang pag-uugnay ng sahod sa aktuwal na trabaho ay magtataguyod ng transparency, accountability, at integridad sa pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, babayaran lamang ang mga mambabatas sa mga araw na sila ay present at aktibong nagsasagawa ng opisyal na gawain, gaya ng pagdalo sa plenaryo, pakikilahok sa mga pagdinig ng komiteng kanilang kinabibilangan, at pagsasagawa ng mga awtorisadong opisyal na aktibidad.
Ang mga hindi makatuwirang pagliban ay magreresulta sa pagkawala ng kompensasyon, habang kikilalanin naman ang mga may balidong dahilan tulad ng pagkakasakit na may sertipikasyon ng lisensiyadong doktor, opisyal na representasyon, aprubadong biyahe o misyon, at pinahintulutang leave of absence.
Itinuturing ding present ang mga mambabatas kung dumalo sila sa mga awtorisadong pulong ng mga komite, sesyon ng Commission on Appointments (CA), House of Representatives Electoral Tribunal (HRET), bicameral conference committees, at mga opisyal na misyong aprubado ng Speaker.
Upang mapalakas ang transparency, inaatasan ng panukala ang mga sekretaryat ng Senado at Kamara na magsagawa ng araw-araw na monitoring ng attendance at gawing bukas sa publiko ang mga rekord ng pagpasok.
Ang pagpapalabas ng kompensasyon ay ibabatay lamang sa beripikadong presensya.
Tinalakay din ni Marcos ang usaping konstitusyonal, iginiit na malinaw sa 1987 Konstitusyon na ang opisyal na kompensasyon ng mga miyembro ng Kongreso ay maaaring itakda sa pamamagitan ng batas.
May parusa rin ang panukala laban sa pamemeke ng attendance records o pag-angkin ng kompensasyon nang hindi naman ginagampanan ang opisyal na tungkulin. Ang ganitong mga gawain ay ituturing na misconduct at papatawan ng disiplina alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng Kongreso.
Sa pagtatapos, sinabi ni Marcos na sa pagpasa ng panukalang ito, pinatutunayan ng Kongreso ang kanilang pangako na itaguyod ang pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko at matiyak na ang mga halal na opisyal ay tunay na nagsisilbi sa mamamayan, kasabay ng panawagan para sa agarang pagpapatibay ng panukala.
















