-- Advertisements --

Pormal na natapos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang apat na araw na State Visit sa Japan na inilarawan niyang “highly productive at constructive,” matapos makuha ang mahahalagang kasunduan sa ekonomiya, seguridad, at diplomasya para sa Pilipinas.

Sinabi ng Pangulo na lalo pang pinagtibay ng pagbisita ang 70 taong relasyon ng Pilipinas at Japan.

Kabilang sa naging tampok ng biyahe ang pakikipagpulong ni Marcos kina Emperor Naruhito at Empress Masako, gayundin kay Japanese Prime Minister Sanae Takaichi.

Nagkasundo rin ang dalawang bansa na itaas ang kanilang ugnayan tungo sa Comprehensive Strategic Partnership.

Pinalawak din ng Pilipinas at Japan ang kooperasyon sa depensa, enerhiya, artificial intelligence, kalakalan, at maritime security.

Inanunsyo rin ang pagsisimula ng negosasyon para sa General Security of Military Information Agreement o GSOMIA.

Samantala, umabot sa US$3.4 bilyon ang investment pledges at business opportunities na nakuha ng Pangulo mula sa mga Japanese investors.

Inaasahan ding lilikha ito ng mahigit 10,000 trabaho para sa mga Pilipino.

Nakipagkita rin si Marcos sa Filipino community sa Japan at tiniyak na mananatiling prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga overseas Filipino.