Hindi inaalis ng Bureau of Immigration (BI) ang posibilidad na nakalabas na ng Pilipinas si Senador Ronald dela Rosa, kasunod ng kanyang naunang pag-alis sa Senate custody.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, nananatiling bukas ang posibilidad ng paggamit ng mga backdoor channels o tagong lagusan palabas ng bansa gaya ng mga liblib na pantalan.
Aniya, palaging isinasaalang-alang ng BI ang ganitong anggulo tuwing may kahalintulad na sitwasyon. Gayunpaman, tiniyak ni Sandoval na bantay-sarado ang mga tinuturing na illegal migration corridors sa tulong ng Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at mga lokal na pamahalaan.
Kung may tangkang pagtakas, agad umanong inaalerto ang BI, kabilang na ang pagkakakilanlan ng mga nahaharang na indibidwal, lalo na kung mga dayuhan. Batay sa opisyal na rekord ng BI, nananatiling walang naitalang paglabas ng bansa si Sen. Dela Rosa.
Ito ay sa gitna ng umiiral na Immigration Lookout Bulletin Order laban sa senador. Tiniyak din ni Sandoval na kung makita si Dela Rosa sa mga paliparan, agad itong ipaaabot sa mga law enforcement agencies para sa nararapat na aksyon.
















