Ipinakita ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pinabilis na video footage ng pag-agos ng lava at pagguho ng materyales mula sa Bulkang Mayon na nagdulot ng collapse-fed pyroclastic density currents (PDCs) nitong Linggo ng gabi, Mayo 31, 2026.
Ayon sa State volcanologists, ang nasabing lava effusion ay naitala mula alas-6:55 hanggang ala-6:57 ng gabi, batay sa footage na kanilang i-ipinost sa kanilang social media.
Nauna rito sa araw ding iyon, iniulat ng ahensya ang isang PDC event na naganap sa bulkan sa hapon, kung saan ang daloy ay umabot sa humigit-kumulang 2,000 metro sa Mi-isi Gully.
Dagdag pa ng PHIVOLCS, ang PDC ay nakapagpalabas ng kulay-abo na usok na umabot hanggang 1,800 metro above mean sea level bago dumausdos patungong east-northeast.
Sa pinakahuling datos ng State volcanologists, nasa ika-146 na magkakasunod na araw na ang effusive eruption ng Mayon Volcano, na patuloy na nagdudulot ng pag-agos ng lava, pyroclastic density currents o “uson,” at rockfalls.
Patuloy na nakataas ang Alert Level 3, na indikasyon ng intensified unrest o patuloy na paggalaw ng magma, habang mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng pagputok at mapanganib na volcanic activity.
















