-- Advertisements --

Ligtas at walang naitalang Pilipinong naapektuhan sa mga naganap na pagsabog sa Riyadh, Saudi Arabia matapos maglunsad ng mga pag-atake gamit ang missile ang Yemeni militant group na Houthi laban sa kabisera noong nakaraang linggo.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), patuloy nitong binabantayan ang kalagayan at sitwasyon ng humigit-kumulang 700,000 Pilipinong kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa Saudi Arabia, katuwang ang Philippine Embassy at mga konsulado sa lugar.

Inihayag ng ahensya na nakahanda ang mga diplomatikong tanggapan ng Pilipinas na magpaabot ng agarang tulong at saklolo sa sinumang Overseas Filipino Worker (OFW) na nangangailangan ng tulong sa gitna ng tensyon.

Kasabay nito, nakiusap at nagpaalala ang DMW sa mga kababayang Pilipino sa Saudi Arabia na manatiling mapagmatyag at sundin nang mahigpit ang mga abiso at safety guidelines na ipinapatupad ng mga awtoridad doon.

Inamin ng grupong Houthi na tinarget nito ang mga sensitibong pasilidad sa Riyadh gamit ang mga missile at drone, habang pormal namang kinondena ng United Nations Security Council ang patuloy na pag-atake ng grupo na nagdudulot ng panganib sa mga sibilyan at sa energy infrastructure ng bansa.