-- Advertisements --

Nadiskubre ng Philippine National Police (PNP) ang aabot sa P1.5 bilyon halaga ng mga hindi rehistradong sigarilyo sa Malabon City kasunod ng hiwalay na operasyon sa Batangas City kung saan P1.1 billion halaga ng umano’y smuggled tobacco products ang nasamsam.

Ayon sa PNP, natuklasan ang mga sigarilyo sa Malabon matapos ang isang hot pursuit operation noong bisperas ng Bagong Taon, Disyembre 31, bandang alas-10:30 ng gabi.

Hinabol ng mga pulis ang dalawang motorcycle rider na tumakas sa checkpoint at humantong sa isang cargo facility kung saan nakita ang 18 container vans na naglalaman ng imported at walang dokumento mula South Korea.

Tatlong indibidwal, kabilang ang isang security guard at dalawang empleyado ng cargo facility, ang inaresto matapos mabigong magpakita ng permit. Isa sa mga rider ang nahuli habang patuloy namang tinutugis ang isa pa.

Sinabi ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na posibleng managot ang may-ari ng mga sigarilyo at ng cargo yard sa ilalim ng Anti-Agricultural Sabotage Act. Aniya, patunay ang nasabing operasyon ng matibay na kampanya ng PNP laban sa ilegal na kalakalan.