-- Advertisements --

Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bagama’t may ilang ebidensiyang nagpapahiwatig ng posibleng pagpapatiwakal, hindi pa ito tiyak habang patuloy ang kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Maria Catalina Cabral.

Ayon kay acting PNP chief P/Lt. Gen. Melencio Nartatez Jr., kailangan pang kumpletuhin ng mga imbestigador ang pagsusuri sa lahat ng ebidensya, pahayag, at kuha ng mga video bago makapaglabas ng pinal na konklusyon.

Magugunitang natagpuan si Cabral na walang malay sa Benguet noong Disyembre 18 at idineklarang patay kinabukasan. Sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na batay sa mga paunang resulta, wala umanong indikasyon ng foul play, at ang autopsy umano ay tumutugma sa natamong mga sugat ni Cabral mula sa isang malakas na impact ng pagkalaglag.

Kung maalala una nang nag-bitiw si Cabral sa DPWH noong Setyembre matapos madawit sa mga imbestigasyon ng Kongreso kaugnay ng umano’y anomalya sa ilang flood control projects.