Naniniwala si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na nagkaroon ng misapprehension of the facts o maling pagkaunawa sa mga detalye nang magpasya ang Korte Suprema na ibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa senador, ang Motion for Reconsideration (MR) ay ang pagkakataon upang maitama ito.
Ipinaliwanag ni Pangilinan kung bakit naniniwala siyang premature para sa Senado na i-archive ang impeachment complaint kahit may nakabinbing MR mula sa Kamara na layong baligtarin ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara sa kaso bilang unconstitutional.
Binigyang-diin nito na nakabase ang desisyon ng Korte Suprema sa maling interpretasyon ng isang tv network report na nilinaw naman mismo ng himpilan sa isang opisyal na pahayag.
Iginiit din niya na hindi maaaring gamitin ng Korte Suprema ang one-year bar rule bilang batayan para ibasura ang impeachment case laban kay Duterte dahil ang unang tatlong reklamo ay hindi pa opisyal na naihain bago naisampa at isinulong ang ikaapat na reklamo.
Magugunitang bumotong “no” si Pangilinan, na i-archive ang Articles of Impeachment sa sesyon ng Senado noong Agosto 6, at iginiit na dapat hinintay muna ang magiging desisyon sa MR na nakabinbin sa Korte Suprema.
“But one thing is for sure, is clear: that MR, the Motion for Reconsideration, is an opportunity for the Supreme Court to correct what we believe to be erroneous factual errors,” saad ni Pangilinan.
“I mean, if you do something as unprecedented as that, the least (the) Supreme Court could have done was check their facts. And that’s why the motion for reconsideration is an opportunity for the Supreme Court to correct,” dagdag nito.