-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Justice na mayroon pa ring makukuhang DNA profile mula sa narekober na mga labi mula sa Taal lake. 

Kumpyansa ang naturang kagawaran na kaya pa rin ito lalo pa’t mayroong mga labi ang pinaniniwalang posibleng maisailalim sa pagsusuri. 

Ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano, tiwala ang kagawaran na makakakuha pa ng DNA profile sapagkat aniya’y kasama sa mga narekober maging ang ngipin at buhok ng isang tao. 

Kaya’t bunsod nito’y hiling ng Department of Justice na sila’y matulungan ng mga eksperto mula sa University of the Philippines pati na rin sa gobyerno ng bansang Japan. 

Kanyang sinabi na ang hakbang ito ng kagawaran ay kasunod ng pag-amin ng Philippine National Police sa kapasidad ng pasasagawa ng kaukulang pagsusuri. 

Kung saa’y aminado ang PNP na limitado ang kakayahan nito sa kinakailangang DNA analysis sa mga narekober na buto o labi ng tao mula sa lawa ng Taal. 

“The Secretary has acknowledged the statements of the PNP stating that the DNA forensics or the DNA analysis is not, could not be done dahil po sa capacity or capability ng PNP forensics group”, ani Assistant Secretary Mico Clavano ng Department of Justice. 

“However the secretary still believes especially with the teeth lalo na po yung buhok na pwede pa natin ito ma-DNA”, dagdag pa ni ASec. Mico Clavano ng DOJ.

Giit pa ng naturang tagapagsalita, hindi lamang iisa ang ‘method’ o paraan upang maisalalim ang mga narekober na labi sa DNA testing. 

Marami aniya ito kaya’t sila’y nagpapatulong na sa mga eksperto ng University of the Philippines at bansang Japan. 

Kanyang sinabi na ito’y upang makakuha ng mas mahusay at mas ‘adavanced’ na teknolohiya sa pagsasagawa ng DNA analysis. 

Buhat nito’y ipinauubaya na ng Department of Justice sa University of the Philippines, katuwang rin ang gobyerno ng Japan upang manguna sa naturang siyantipikong pagsusuri.