CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi palalampasin ng Police Regional Office 10 ang pagpataw ng mga mabigat na parusa laban sa kanilang nasasakupan kung nagkasala man lalo sa usaping ‘online-sugal’ na mainit na isyu sa bansa sa kasalukuyan.
Ito’y matapos isinusulong ni House committee on constitutional amendments chairperson Atty. Rufus Rodriguez ng distrito dos ng Cagayan de Oro ang total ban ng online games dahil sa malubhang epekto sa bawat indibidwal na nasangkot rito.
Ginawa ni Police Regional Office 10 spokesperson Major Joann Navarro ang katiyakan bilang tugon sa mga reaksyon ng publiko dahil sa mayroong isang bagitong pulis ang nangholdap at mabilis na nahuli sa convenience store upang magamit umano ang pera sa pagkalulong nito sa online sambong sa Bukidnon.
Sinabi ni Navarro na hindi sila magda-dalawang isip na sibakin sa katungkulan ang suspek na si Police Corporal Danny Javiero na naka-detail sa Bukidnon Police Provincial Office kung lumalabas sa imbestigasyon na totoo ang kinasangkutan na mga alegasyon.
Ito ang dahilan na sang-ayon ang PRO 10 sa isinusulong ni Rodriguez na tuluyang patayin ang lahat ng mga larong-sugal sa online dahil nanganganib ang buong lipunan kung hindi ito mapipigilan.
Magugunitang bago nangyari ang panghoholdap ng suspek at privilege speech ni Rodriguez sa isyu ng online gaming, matagal nang nagbigay-abiso ang PRO 10 na iwasan ng kanilang mga pulis na masangkot sa online-sugal upang hindi malagay sa alanganin ang mga kinabukasan nila at mismong mga pamilya nito.
Si Javiero ay kinasuhan ng panghoholdap dahil tinangay ang 12,000 pesos na kinikita ng isang convenience store sa Brgy Damilag,Manolo Fortich,Bukidnon at uusad na rin ang kasong administratibo ng Philippine National Police epekto sa masamang idinulot ng pangyayari sa institusyon.