Nanggulo ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa isinagawang Kadiwa operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc nitong linggo, ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea.
Habang nagdadala ng ayuda para sa mga mangingisdang Pilipino sa pamamagitan ng Kadiwa program, ilang barko ng China ang agresibong humarang sa mga barko ng Pilipinas. Sa gitna ng tensyon, dalawang barko ng CCG ang nagkabanggaan sa isa’t isa habang sinusubukang pigilan ang operasyon ng PCG.
Bukod sa banggaan, ginamitan din ng water cannon ang mga barko ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang ang BRP Bagacay at BRP Bankaw, na nagtamo ng pinsala sa ilang bahagi ng barko.
“Ang pinsalang ito ay patunay ng matinding presyon ng tubig na ginamit ng China Coast Guard sa kanilang pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas,” pahayag ni Tarriela.
Ayon sa PCG, apat na barko ng CCG at anim na Chinese maritime militia vessels ang sangkot sa insidente. Tinuligsa ng PCG ang ginawang panggugulo ng China, lalo’t ang operasyon ay para sa kapakanan ng mga lokal na mangingisda.
Ang insidente ay muling nagpapakita ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea at ng pangangailangan ng mas matatag na aksyon upang maprotektahan ang karapatan ng Pilipinas sa sariling teritoryo.