-- Advertisements --

Patuloy na lumalakas ang bagyong Gorio na ngayon ay nasa typhoon category na habang ito ay kumikilos pa-kanluran sa Philippine Sea.

Ayon sa pinakahuling ulat, ang sentro ng bagyo ay nasa layong 745 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso ng hangin na hanggang 150 kilometro kada oras.

Bagama’t mababa ang posibilidad na direktang makaapekto si Gorio sa bansa sa loob ng susunod na tatlong araw, hindi isinasantabi ang posibilidad ng pagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal sa Extreme Northern Luzon kung sakaling magbago ang direksyon ng bagyo pa-timog.

Sa kasalukuyan, inaasahang magpapatuloy ang bagyo sa direksyong west-northwest at posibleng mag-landfall sa silangang baybayin ng Taiwan bukas ng hapon, Agosto 13, bago ito tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa gabi.

Dahil sa epekto ng bagyo, inaasahan ang napakagaspang na karagatan sa seaboards ng Batanes na may taas ng alon na hanggang 5.5 metro, kaya’t mariing pinapayuhan ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot.

Magaspang din ang dagat sa hilaga at silangang bahagi ng Babuyan Islands na may alon na hanggang 3.5 metro, kung saan mapanganib ang paglalayag para sa maliliit na bangka.

Katamtaman naman ang alon sa natitirang bahagi ng Babuyan Islands, hilagang-silangang Cagayan, Isabela, at hilagang-silangang Aurora, kaya’t pinapayuhan ang mga mangingisda at mariners na mag-ingat at, kung maaari, iwasan muna ang paglalayag.