Na-obserbahan ang mas lalong pag-baba ng temperatura sa ilang bahagi ng bansa nitong Enero 23 dahil sa patuloy na pag-iral ng northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Naitala sa Baguio City ang pinakamababang temperatura ngayong amihan season sa 10.6°C. Ilan pang lugar ang nakaranas ng malamig na panahon kabilang ang Batanes, Rizal, Bukidnon, Bulacan, Bataan, Ilocos Region, Aurora, at Cagayan.
Ayon sa state weather bureau, patuloy na magdadala ang amihan ng malamig na hangin at mahinang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa sa mga susunod na araw, habang maliit naman ang tsansang makaapekto ang low-pressure area sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Inaasahan din ang mga pag-ulan dulot ng shear line at easterlies sa ilang rehiyon hanggang sa katapusan ng Enero.
















