-- Advertisements --

Patuloy na makararanas ng mahihinang ulan ang malaking bahagi ng bansa dulot ng northeast monsoon o amihan, ayon sa state weather bureau.

Makakaranas ng mahihinang pag-ulan ang Cagayan Valley, Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, gayundin ang Apayao, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Aurora, Quezon, at Oriental Mindoro.

Ang Metro Manila at iba pang lugar ay posibleng makaranas ng paminsan-minsang mahihinang ulan.

Samantala, inaasahan ang malalakas hanggang mala-bagyong hangin at maalong dagat sa silangang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa ibang lugar, magiging katamtaman hanggang malakas ang hangin at katamtaman hanggang maalon ang karagatan.

Ayon pa sa weather bureau, ang binabantayang dalawang low pressure area, kabilang ang dating tropical cyclone Ada, ay malabong maging bagyo sa loob ng susunod na 24 oras.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na makinig sa mga susunod na abiso, lalo na ang mga mangingisda at biyahero sa dagat upang maiwasan ang anumang untoward incident.